-- Advertisements --

DAVAO CITY – Ikinagulat ng mga sumubaybay sa Yvonnette Chua Plaza murder case ang rebelasyon mula sa kaibigan ng biktima na si Filipino billionaire and social media influencer na si Christian Albert Gaza o mas kilala sa tawag na XIAN GAZA.

Sa post nito sa social media, inilabas niya ang mga naging usapan ni Plaza sa chat bago pa nangyari ang karumal-dumal na insidente.

Natatandaang si Gaza mismo ang nag-upload ng mga litrato ni Plaza na nagpakitag minaltrato sya ng suspek na si Brig. General Jesus Durante III. Nai-post rin ni Xian ang mga naunang chat ni Plaza na humihingi ng tulong upang makaalis mula Pilipinas patungong Bali, Indonesia.

Nagpasalamat si Plaza kay Xian na tila nakalaya siya noong panahon na iyon mula sa naging karelasyon na si Durante.

Aniya, ikinahihiya ni Plaza na naging “other womam” sya sa pagsasama ni Durante at ng kanyang asawa, ngunit pinayuhan naman sya ni Xian na lumayo na lamang at magbagong-buhay.

Naipost din ni Xian ang naging kumpirmasyon ni Plaza na blinackmail sya ni Durante na patayin kung magtatangkang hiwalayan ni Plaza ang suspek. Sunod-sunod na ang paghingi ng tulong ni Plaza kay Gaza.

August 7, 2022 nang huling humingi ng tulong si Plaza na nag-alala sa kanyang kaligtasan dahil sa mga ebidensya nya laban sa naturang suspek.

Hanggang sa nahantong ito sa kalunos-lunos na kamatayan ni Plaza noong Disyembre 28, 2022 sa kanyang tahanan sa Green Meadows Subdivision, Tugbok, Davao City

Dagdag ni Gaza na hindi sya makikipagtulungan sa mga otoridad sa nagpapatuloy na imbestigasyon ngunit giit rin niyang hindi nya kinakalaban ang heneral.

Bagkus, alam nyang maayos syang nagsisilbi sa bayan sa kabila ng mga personal nyang pinagdaraanan.

Dagdag ni Xian, ilang beses na syang pinag-aalala ng sitwasyon ni Plaza nung nagdaang mga buwan at kinakailangan nyang i-post ang mga nalalaman sa social media dahil ito ang naging huling habilin nito bago pa siya mapaslang.

Matatandaang nito lamang Miyerkules, Enero 25, nang itinuro ng SITG Plaza si Durante at iba pang siyam na mga tauhan bilang responsable sa pagkamatay ni Plaza.

Inilahad rin ni Police Regional Office 11 Regional Director, PBGen. Benjamin Silo Jr. na Case Cleared but Not closed ang kaso dahil patuloy pa ring pinaghahanap ang iba pang mga suspetsado na kinasuhan.

Patong-patong na kasong murder, theft and obstruction of justice ang isinampa ng korte laban kay Durante na kasalukuyang kustodiya ng AFP Headquarters sa Fort Bonifacio, Taguig City sa Metro Manila.