-- Advertisements --

Sang-ayon si Comelec Commissioner George Garcia na dapat magpasa ng isang batas para sa pag-regulate sa social media para malabanan ang paglaganap ng trolls sa kasagsagan ng halalan.

Ayon kay Garcia , dapat na maipursige ang pagkakaroon ng social media regulation sa bansa kahit na sa panahon ng kampaniya o halalan.

Paliwanag ng opisyal na kapag walang batas, hindi nito ganap na maipapatupad ang regulasyon para maisakdal ang isang troll sa social media at maipakulong. Ang magagawa lamang ng poll body ay maghain ng cyber libel laban sa sangkot na indibidwal lalo na kung ang post nito ay maituturing na harmful.

Inihalimbawa ni Garcia na mayroong ilang naghahire ng troll farm sangkot ang ilang pulitiko.

Nauna ng bumuo ang Comelec ng Task Force Kontra Fake News para malabanan ang anumang pagtatangka para sirain ang kredibilidad ng electoral process ng nagdaang halalan ngayong taon.

Samantala, sinabi naman ni Garcia na kasalukuyan ng iniimbestigahan ang nasa 1000 vote buying cases na may kinalaman sa halalan.