Naglaan ang gobyerno ng Pilipinas ng P49.8 billion budget para sa Social Pension ng mga Indigent Senior Citizens sa bansa sa ilalim ng 2025 National Expenditure Program.
Ayon sa Department of Budget and Management, makatutulong ito upang matiyak ang patuloy na implementasyon ng social protection program para sa mga Filipino senior citizen ng DSWD.
Sinabi pa ng ahensya na ang alokasyon ay magbibigay-daan sa mahigit 4.08 milyong mahihirap na senior citizen na makatanggap ng buwanang allowance na P1,000 sa susunod na taon upang madagdagan ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at gastusin sa pagpapagamot.
Ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng Social Pension Indigent Senior Citizens program ay nagsimulang tumanggap ng buwanang allowance na P1,000 ngayong taon, kasunod ng pagsasabatas ng Republic Act (R.A) No. 11916, na nagdoble sa kanilang buwanang pensyon mula P500.
Samantala, sa pagpapatupad ng expanded Centenarians Act, kabuuang P3 bilyon ang inilaan para pondohan ang P100,000 cash gift para sa mga Pilipinong umabot sa edad na 100, gayundin ang karagdagang P10,000 cash benefit sa lahat ng Pilipino edad 80, 85, 90 at 95.
Kung maaalala, nilagdaan ni PBBM ang R.A. 11982 noong Pebrero 2024, na nagpalawak ng saklaw ng R.A. 10868 at nagbigay ng mga benepisyo sa mga octogenarian at nonagenarian.