Kasunod ng panawagan ng China sa Pilipinas na ipagbawal na ang lahat ng online gambling sa bansa, nanindigan ang ilang kongresista na ikonsidera ang mga posibleng epekto nito sa ekonomiya at prgrama ng pamahalaan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni House Committee on Games and Amusement Chairman Eric Yap na kailangan busisiin ng mabuti ang ban na inirekomenda ng China sa lahat ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).
Ayon kay Yap, malaki ang kinikita ng pamahalaan mula sa POGO at dagdag pondo na rin ito para sa mga charity works at iba pang social services.
Gayunman, iginiit nito na mahalagang kontrolado ang mga POGO sa pamamagitan nang pagtitiyak na kompleto sa mga dokumento ang mga nagtatrabaho dito na karamihan ay pawang mga Chinese.
Nauna nang sinuspinde ng Philippine Amusement and Gaming Corporation ang pagbibigay ng lisensya sa mga bagong POGO sa harap ng iba’t-ibang issue na iniuugnay dito tulad nang pagdami ng mga Chinese illegal workers at pagkakasangkot ng mga ito sa iba’t-ibang krimen.