Pumanaw na si Socorro Bayanihan Services Inc. Vice President Mamerto Galanida sa edad na 82 anyos nitong umaga ng Sabado, Hulyo 13.
Ayon sa National Bureau of Investigation, nasawi si Galanida dahil sa ilang medical complications at sa matandang edad na rin nito.
Una ng dumaing ng ilang karamdaman si Galanida hanggang pinagbigyan ng korte ang kaniyang apela para sa hospital arrest noong nakaraang linggo at inilipat sa isang medical facility sa Parañaque city.
Nagsilbi si Galanida ng 3 termino bilang alkalde ng Socorro at dating provincial board member ng Surigao del Norte.
Matatandaan una na nadawit sa kontrobersiya ang Socorro Bayanihan Services Inc. matapos mabulgar sa imbestigasyon sa Senado noong Setyembre 2023 kung saan isiniwalat ni Senator Risa Hontiveros sa kaniyang privilege speech na isang kulto ang grupo na sangkot sa forced marriage ng mga menor de edad, human trafficking, sexual violence at financial extortion.
Inakusahan naman si Galanida ng pag-orchestrate ng ilang mga ilegal na aktibidad sa Socorro base sa dating mga miyembro at biktima. Si alyas “Senior Agila” o Jey Rence Quilario naman na siyang presidente ng Socorro bayanihan at 12 iba pa ay una ng sinampahan ng DOJ ng criminal charges sa Surigao court.