-- Advertisements --

All set na ang “soft opening” ng re-developed na Manila Zoo sa darating na December 30, 2021.

Anunsyo ito ni Manila Mayor “Isko” Moreno Domagoso kasunod ng pagbisita nila ni Vice Mayor Honey Lacuna sa halos five-hectare facility kagabi.

Ayon sa alkalde, 99.9% nang tapos ang konstruksyon sa zoo na noon ay mabaho pero ngayon ay maipagmamalaki na sa mga banyaga.

“Ang ganda-ganda! Nakaka-proud talaga! Dati ang baho-baho dito. This is one for the books. Para kang nasa Japan. Para kang nasa Jurassic Park. Sisiguruhin ko sa inyo, pati foreigner pupunta dito,” wika ng presidential aspirant.

Sa susunod na linggo aniya ay sisimulan na ang pagdala sa ilang hayop sa Manila Zoo.

Kabilang pa sa mga aabangang bagong pasilidad ay ang “world-class animal enclosures” na mapapaligiran ng transparent glass, at ang elevated na viewing decks para sa mga bisita.

Mayroon na ring Animal Museum, Botanical Garden, at Butterfly Garden ang Manila Zoo.

Hulyo noong nakaraang taon nang simulan ang construction para sa “Bagong Manila Zoo.”

Ayon sa Manila Department of Engineering and Public Works, ang nasabing infrastructure project na may 51,000 square meters ng recreation facility ay pinaglaanan ng P1,736,400,000 at target matapos sa loob ng 19 months.