Dumating na sa Japan ang women’s softball team ng Australia bilang pinakaunang international athletes, isang buwan bago ganapin ang Tokyo Olympics.
Napaaga ang dating ng Australian team dahil magsasagawa pa ng training camp sa siyudad ng Ota bago lumipat sa Athletes’ Village sa Tokyo Hulyo 17.
Mananatili lamang ang mga ito sa isang buong floor ng hotel at pwede lamang lumabas kung sasailalim sa training.
Sinasabing ang lahat na miyembro ng softball team ay vaccinated na laban sa COVID-19 pero sasailalim naman sila sa tests kada araw.
Magsisimula ang pinakamalaking sporting event sa mundo sa July 23 sa kabila ng patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga nahahawa sa virus.
Sa ngayon maraming lugar sa Japan ang nasa ilalim sa state of emergency hanggang June 20.
Una rito mahigit daw sa 60 porsyento sa survey sa Japan ang nananawagan na dapat kanselahin ang Olimpiyada.
Simula ngayong araw puspusan na ang gagawing vaccination drive ng Japanese government sa kanilang mamamayan.