-- Advertisements --

Mariing na itinanggi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Special Operations Group Strike Force (SOG-SF) Head Gabriel Go na mayroon siyang hinarap na kasong may kinalaman at kaugnayan sa sexual harrassment.

Ito ay matapos na ibunyag ni Sen. JV Ejercito sa isang social media post na mayroon umanong kasong isinampa ang isang MMDA lady traffic enforcer laban kay Go na siya aniyang dahilan ng resignation nito noong taong 2023.

Nakasaad din sa social media post na inaalam ni Ejercito kung ano na ang estado ng kasong ito ni Go at kung ano ang dahilan kung bakit na-rehire muli ang naturang opisyal sa tanggapan ng MMDA.

Sa hiwalay na pahayag ay pinabulaan ng pamunuan ng MMDA na mayroong nagsampa ng kaso o kahit complaint laban kay Go sa mga taon na iyon.

Kasunod nito ay nilinaw naman ni Go ang mga paratang at binigyang diin na wala siyang kasong inareglo kaugnay a mga naturang alegasyon.

Aniya, nagbigay na ng pahayag ang kanilang tanggapan tungkol sa isyu at binigyang diin na hanggang ngayon ay wala pa ring pormal na ihinahaing affidavit of complaint laban sa kaniya.

Ito lamang umano ang tanging sapat na eksplenasyon sa mga paratang na ito na hindi naman din aniya napatunayan.

Samantala, humingi na rin ng dispensa si Go sa National Police Commission (NAPOLCOM) at kay PCapt. Mann Eric Felipe na siyang itinuloy ang kaso kontra sa opisyal na may kinalaman sa data privacy act sa Quezon City Prosecutor’s Office.