Personal na humingi ng paumanhin sa opisina ng National Police Commission (NAPOLCOM) si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Special Operations Group Head Gabriel Go tungkol pa rin sa naging asal nito sa pagsita sa isang kawani ng pulisya sa isang ikinasang clearing operations sa bahagi ng Quezon City.
Sa kanilang talakayan kasama si NAPOLCOM Commissioner Atty. Rafael Calinisan, humingi ng dispensa si Go at sinabing ang mga naging aksyon niya ay pawang na dala lamang ng emosyon dahil aniya ang kaniyang trabaho ay palaging nasa lansagan simula umaga hanggang gabi.
Hindi aniya intensyon ni Go na magkaroon ng mga hindi pagkakaunawaan at mangyari ang mga hindi dapat kinahinatnan ng clearing ops ng kanilang ahensya. Mali rin aniya na isama ang emosyon sa trabaho na siyang nakaapekto sa kanilang isinasagawang operasyon.
Direkta ring humingi ng tawad si Go sa pulis na kaniyang nasita sa clearing ops para sa kaniyang naging pakikitungo at naging approach dito.
Ayon naman kay Commissioner Calinisan, ‘wag sanang makakalimutan na magkaroon pa rin ng humanity sa pagkakasa ng mga operasyon bilang pakikisama at respeto na rin sa mga ito bilang bahagi at mamamayan ng bansa.
Kasunod nito ay nagpasalamat naman si Commissioner Calinisan dahil naisipan na aniya ni Go na humingi ng tawad sa mga nasaktan na kawani ng pulisya dahil sa naging pamamahiya umano ni Go sa isang uniformed personnel.
Aniya, sana sa pamamagitan nito ay maghilom na ang mga emosyon ng galit at mga nasaktang damdamin ng mga pulis at tiniyak naman na hindi ito isang personal na atake.
Tiniyak din ng commissioner na hindi magbabago ang pakikitungo ng NAPOLCOM at iba pang institution ng pulisya sa MMDA at patuloy pa rin aniya nilang poproteksyunan ang mga kawani ng MMDA at magpapatuloy aniya ang kanilang serbisyo sa publiko.
Samantala, tinanggap naman na ng personel ang patawad na hiningi ni Go ngunit sa kabila nito maaaring itutuloy pa rin niya ang pagsasampa ng kaso upang magsilbi aniyang aral at awareness na rin sa mga ahensya na nagpapatupad ng mga operasyon na mayroong tamang aksyon at tamang pamamaraan para magpatupad ng kani-kanilang mandato.