-- Advertisements --

Inutusan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang Bureau of Corrections (BuCor) na bilisan ang paglilipat ng mga high-profile inmates gaya ng ilang drug personalities mula sa New Bilibid Prison patungo sa mga regional offices sa bansa.

Ito ay matapos na may maitalang insidente ng palitan ng droga sa loob ng naturang kulungan sa Muntinlupa.

Ayon sa Department of Justice (DOJ), nakipag-ugnayan na umano sila kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasama ang ilan pang opisyal mula sa Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) kung paano mas mapapaigting ang kanilang kampaniya kontra ilegal na droga.

Samantala, nangako naman ang ahensya ng DOJ na patuloy silang kikilos katuwang ang iba pang mga ahensya ng gobyerno para sa seguridad ng mga komunidad nang walang dumadanak na dugo.