-- Advertisements --

Nag-usap sina South Korean Acting President Han Duck-Soo at US President Joe Biden sa isang phone call matapos ang pag-impeach ng Korean lawmakers kay President Yoon Suk Yeol.

Dito, ni-reassure ni Acting President Han ang mga kaalyadong bansa kabilang na ang Amerika at sinubukang ma-stabilize ang financial markets matapos nga maipasa ang impeachment motion laban sa presidente ng SoKor.

Tinawag naman ni Biden ang alyansa nito sa South Korea bilang “linchpin for peace” sa rehiyon.

Sa isang statement naman nitong Linggo, sinabi ni Acting Pres. Han na ipapairal ng kanilang bansa ang foreign at security policies nito nang walang pagkaantala at pagsusumikapang mapanatili at mapatatag ang alyansa sa pagitan ng SoKor at Amerika.

Si Han ang pansamantalang humalili kay Pres. Yoon habang nakabinbin pa ang desisyon ng Constitutional Court sa impeachment ng presidente.

Naging acting president si Han sa bisa ng decree ng konstitusyon ng Seoul.

Samantala, para naman ma-stabilize ang ekonomiya at liderato ng South Korea, inanunsiyo ng pangunahing opposition party na hindi nila ii-impeach si Han sa kaniyang pagkakasangkot sa martial law declaration ni Yoon noong Disyembre 3.