Inilibing na ang labi ng pumanaw na South Korean actress na si Kim Sae Ron ngayong araw ng Miyerkules, Pebrero 19.
Isinagawa ng pribado ang funeral service alinsunod sa kahilingan ng pamilya Kim kaninang alas-6:20 ng umaga, KST sa Asan Medical Center funeral hall sa Songpa-gu, Seoul na dinaluhan ng mga miyembro ng pamilya, kaibigan at kasamahan sa entertainment industry ng aktres.
Ang nakababatang mga kapatid ni Kim Sae Ron at actors na sina Kim Aron at Kim Ye Ron ang nagsilbing chief mourners.
Kabilang sa mga umattend sa funeral ang aktres na si Kim Bo-ra at AB6IX member Park Woo-jin, na nagluluksa sa pagkawala ng aktres katabi ang pamilya ni Kim.
Ang iba pang celebrities na dumalo ay si Won Bin, ang co-star ng “The Man from Nowhere,” aktres na si Han So-hee, AKMU members Lee Chan-hyuk at Lee Su-hyun, at TV personality na si Jang Sung-kyu.
Nagbigay naman ng tribute online ang ibang pang colleagues at fans ni Kim Sae Ron. Kung saan nag-post ng mga larawan ng white chrysanthemums ang South Korean actors/actress na sina Seo Yea-ji, Hong Seok-cheon at Lee Jong-hyuk, gayundin ang singer na si Jun Hyo-sung bilang pakikiramay sa pagpanaw ng aktres.
Samantala, sa funeral binasag ng pamilya Kim ang kanilang katahimikan sa pagpanaw ng aktres. Ayon sa ama ni Kim Sae Ron, dumanas ng emotional distress ang kaniyang anak dahil sa videos na pinost ng isang YouTuber na si Lee Jin-ho na bumatikos sa pumanaw na aktres sa pagbabahagi ng wedding-themed photographs sa social media, na gumawa ng panibagong kontrobersiya at nagpalala sa pagbabatikos ng publiko sa aktres.
Bagamat burado na ang naturang video, napaulat na naghahanap ng mga ebidensiya ang pamilya ng aktres para sa legal action laban sa YouTuber na nagkalat din ng rumors sa umano’y problemang pinansiyal ng aktres na nagpwersa umano sa kaniya para magtrabaho sa isang cafe.
Matatandaan, natagpuang wala nang buhay ang aktres sa kaniyang Seongsu-dong residence noong Linggo, Pebrero 16.
Iniulat naman ng Korean police base sa kanilang imbestigasyon na walang sinyales ng foul play sa pagkasawi ng aktres at wala din itong iniwang note kayat itinuring ang naturang death case bilang suicide.
Samantala, inihimlay ang labi ng aktres sa Tongil-ro Memorial Park sa Paju, Gyeonggi Province.