Inilabas na ng South Korean police ang dahilan ng biglaang pagkamatay ng South Korean actress na si Kim Sae Ron sa edad na 24 anyos.
Base sa ulat mula sa Korean media outlets, kinumpirma ng isang police official sa media sa isang briefing sa National office of Investigation na naniniwala silang gumawa ng extreme choice ang aktres at nagpasyang i-handle ito bilang suicide.
Ayon sa mga awtoridad, walang iniwang note ang aktres sa kaniyang bahay kung saan siya natagpuan ng kaniyang kaibigan na wala ng buhay noong araw ng Linggo, Pebrero 16 at wala din aniyang anumang sinyales ng foul play.
Ang yumaong aktres ay kilala bilang isang sikat na child star dahil sa mga tumatak na ginampanan o pinagbidahaan niyang roles o karakter sa Korean films at ilang mga korean drama series.
Subalit biglang natigil ang karera ng aktres sa pag-acting matapos ang kontrobersiyang kinasangkutan nito nang ma-convict siya dahil sa driving under influence of alcohol noong 2022 at pinagmulta ng 20 million korean won (KRW) na umani ng kabi-kabilaang pagbabatikos sa kaniya mula sa Korean netizen.
Subalit, napaulat base sa acquintance ng aktres na labis ding nagulat sa biglang pagpanaw ng aktres, na naghahanda umano ito na mag-come back sa pag-arte nang may bagong pangalan at pelikula. Kamakailan lamang aniya binago ng aktres ang kaniyang pangalan bilang Kim Ah-im at natapos na rin niya ang filming ng kaniyang bagong movie na “Guitar Man” noong Nobiyembre kung saan kasalukuyang nasa post-production ang naturang film, ayon sa report ng Edaily.