Naglunsad ng combined live-fire exercise ang warplanes ng South Korea at US laban sa cruise missile at long-range artillery threats ng North Korea sa karagatan sa may west coast ngayong linggo.
Ang 5 araw na pagsasanay ay sinimulan noong Lunes kung saan kalahok ang nasa 40 aircraft kabilang ang South Korean F-35A, F-15K, at F-4E jets, gayundin ang A-10 at F-16 aircraft mula sa US 7th Air Force na naka-istasyon sa SoKor.
Dito, sinanay ang mga piloto na magsagawa ng pag-atake laban sa simulated enemy cruise missiles na lumilipad sa low altitudes na may air-to-air missiles at laban sa long-range artillery, mga gumagamit ng air-to-surface missiles at guided bombs.
Isinagawa ang naturang live-fire drills sa gitna ng panibagong concern kaugnay sa cruise missile threats ng North Korea matapos itong maglunsad ng 5 rounds ng cruise missiles ngayong taon.
Ang North Korea ang isa sa may pinakamalaking artillery forces sa buong mundo, karamihan sa mga ito ay nakaposisyon sa loob ng range ng greater Seoul area, tahanan ng kalahati ng 51 milyong populasyon ng South Korea.