Sinimulan ng Constitutional Court ng South Korea ang proseso ng pagpapasya ukol sa impeachment ni Korean President Yoon Suk-yeol, kasunod ng desisyon ng National Assembly na alisin siya sa pwesto.
Ang impeachment ay bunga ng kanyang kontrobersyal na pagtatangka na magdeklara ng martial law, na mabilis ding binawi pagkatapos lamang ng anim na oras, ngunit nagdulot ng malaking kaguluhan, paghinto ng mga aktibidad na pang-diplomasya, at panggugulo sa mga pamilihang pinansyal.
Sa inihain na impeachment resolusyon ni Jung Chung-rae, Chairman ng Legislative and Judiciary Committee ng National Assembly mayroon lamang ang Constitutional Court ng hanggang 180 araw upang magbigay ng pinal na desisyon tungkol sa impeachment. Kung matatanggal si Yoon, isang snap presidential election ang isasagawa sa loob ng 60 araw upang pumili ng kanyang kahalili.
Habang si Prime Minister Han Duck-soo ang uupo muna bilang acting president hanggang sa magdesisyon ang korte.
Nangako ang korte na magsasagawa ng isang “mabilis at makatarungang” paglilitis, at dalawang hukom ang itatalaga upang pangasiwaan ang pagsusuri ng mga ebidensya.
Kasunod ng boto sa impeachment, nanawagan ang lider ng oposisyon na si Lee Jae-myung ng agarang aksyon upang mabawasan ang politikal na hindi pagkakapareho at nagmungkahi ng pagbuo ng isang national council na magsisiguro ng kooperasyon sa pagitan ng gobyerno at National Assembly. Binibigyang-diin din ni Lee ang kahalagahan ng bipartisan na pagtutulungan upang malutas ang krisis sa bansa.
Sa kabila ng mga panawagan na i-impeach si Prime Minister Han Duck-soo dahil sa diumano’y kabiguan nitong pigilan ang deklarasyon ng martial law, sinabi ni Lee na hindi na nila ito itutuloy upang hindi magdulot ng karagdagang politikal na hindi pagkakasunduan. Sa halip, tiniyak ni Lee na ang Democratic Party ay nakatuon sa pagpapa stabilize ng mga usaping pambansa at pagpapanumbalik ng tiwala ng mga internasyonal na bansa.
Samantala, iginiit ni Pangulong Yoon na ang layunin niya ay magbigay ng babala sa oposisyon na pinamumunuan ang parlamento, na pinuna niya dahil sa paghadlang sa mga aktibidad ng gobyerno, kabilang na ang pag-impeach ng mga mataas na opisyal at pagbabalakid sa pag-apruba ng budget ng gobyerno para sa susunod na taon.