-- Advertisements --

Nag-courtesy visit si South Korean Ambassador Lee Sang-hwa kay Defense Secretary Gilbert Teodor Jr. sa headquarters ng Department of National Defense sa Camp Aguinaldo nitong araw ng Biyernes, Disyembre 20.

Dito, nagpalitan ang 2 opisyal ng mga pananaw sa breakthroughs at mga potential sa 75 taong relasyon ng Pilipinas at SoKor.

Ang pagbisita naman ng South Korean envoy ay sa gitna ng political issues sa South Korea at isang linggo matapos suspendihin si President Yoon Suk-yeol kasunod ng desisyon ng South Korean parliament na i-impeach siya dahil sa kaniyang deklarasyon ng martial law noong Disyembre 3 na agad ding binawi.

Sa isang statement, sinabi ng DND na binigyang diin ni Sec. Teodoro sa kaniyang pakikipagpulong kay Amb. Lee ang kahalagahan ng bilateral defense cooperation partikular sa logistics at defense industry.

Nagpaabot din ang kalihim ng appreciation sa patuloy na suporta ng SoKor para sa Armed Force of the Philippines Modernization Program kasabay ng pag-highlight sa inaasahang pagdating ng patrol vessel para sa Philippine Navy na papangalanang BRP Miguel Malvar.

Napag-usapan din ng 2 opisyal ang naging deklarasyon ng Strategic Partnership sa pagitan ng 2 bansa sa pagbisita ni Pres. Yoon sa Pilipinas noong nakalipas na Oktubre.

Kung saan nauna ng sinaksihan ni Pres. Yoon at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglagda ng isang memorandum of understanding sa maritime cooperation sa pagitan ng coast guards sa 2 bansa.