-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Kinumpirma ngayon ng Bureau of Customs (BoC) na naglabas ng warrant of arrest ang South Korean government laban sa isang Korean na nasa likod ng halos 7,000-toneladang imported garbage na inilusot sa Misamis Oriental simula taong 2018.

Ginawa ni Mindanao Container Terminal collector John Simon ang pahayag kasunod ng pagtanggap ng nasa 4,000 toner bags mula kay Misamis Oriental Gov. Bambi Emano upang pagsidlan ng 5,000-toneladang basura na nakabuyangyang pa rin sa yarda ng Verde Soko Philippines sa bayan ng Tagoloan.

Inihayag ni Simon na nagdagdagan lamang ang warrant of arrest na kinakaharap ni Charles Cho dahil sa pagpupuslit nito ng illegal cargo mula South Korea at itinapon sa Pilipinas.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Simon na hawak na ng International Police (InterPol) ang warrant of arrests mula bansang Pilipinas at Korea upang mahuli sa lalong madaling panahon si Cho.

Maliban ka Cho, pinaghahanap rin ng SoKor at Philippine government authorities ang dalawa pa nitong kasamahan na dawit din sa pagpapalusot ng mga basura.