Tiniyak ng South Korea na kaisa nila ang Pilipinas sa pagsusulong ng rules-based maritime order at freedom of navigation sa West Philippine Sea.
Ito ang siniguro ni South Korean President Yoon Suk Yeol kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr matapos ang kanilang bilateral meeting sa Palasyo ng Malakanyang ngayong Lunes.
Sa Joint Press Conference, inihayag ng South Korean President Yoon na tulad ng Pilipinas ay pinahahalagahan din nila ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan sa West Philippine Sea na isang critical sea lane of communication sa rehiyon.
Ayon kay President Yoon patuloy silang makikipagtulungan para sa pagtataguyod ng international law sa karagatan, kaakibat ng mas maigting na strategic cooperation.
Samantala, ipinunto ni Yoon na sa ilalim ng nilagdaang kasunduan sa maritime cooperation ng philippine at korea coast guard, magkatuwang na ipatutupad ang maritime security sa paglaban sa transnational crime, pagpapalitan ng impormasyon, at pagsasagawa ng search and rescue missions.
Ang maritime cooperation agreement sa pagitan ng Philippine Coast Guard at South Korean Coast Guard ay lalong magpapalakas sa ugnayan ng dalawang coast guard.