Nag-alok ang South Korea ng humanitarian aid sa North Korea matapos maranasan ng huli ang malawakang pagbaha dulot ng mahaba-habang pag-ulan.
Ang naturang pagbaha ay nagpalubog na sa libo-libong mga kabahayan, kasama ang mga taniman.
Batay sa naging pahayag ng South Korea Unification Ministry, nakahanda itong magbigay o magpadala ng mga supplies para matugunan ang kasalukuyang problema na kinakaharap ng NoKor.
Hinimok din ng naturang ministro ang Red Cross na nakabase sa NoKor na tumugon sa alok nito upang matukoy kung anong mga tulong ang maaaring ipadala ng South, at malaman kung sa anong paraaan ito ipapadala.
Sa kasalukuyan, wala pang tugon ang NoKor sa alok ng SoKor.
Batay sa report ng North Korean state media, inabot ng tubig baha ang hanggang 4,100 na kabahayan, kasama ang hindi pa matukoy na bilang ng mga mga public building, istraktura, mga kalsada, at maging ang railway ng naturang bansa.
Maliban dito, nalubog din umano ang halos tatlong libong ektarya ng mga sakahan sa naturang lugar.
Nitong araw ng Miyerkules, una na ring pinangunahan ni NoKor leader Kim Jong Un ang emergency meeting upang pag-usapan ang naturang problema, batay sa report ng state media.
Sa ngayon, wala pang report kung may mga naitalang casualties sa naturang pagbaha.