Nagbigay ng donasyong 4,000 metrikong tonelada ng bigas ang South Korea para sa mga pamilyang sinalanta ng bagyong Kristine na tumama sa bansa noong October 2024.
Ito ay katumbas ng 100,000 sako ng bigas na may bigat na 40 kilos bawat isa na ipinadala sa bansa sa 2 batch mula sa South Korea noong Disyembre at noong Enero, ayon sa Korean embassy sa Manila.
Ang naturang donasyong bigas ng SoKor ay parte ng ASEAN Plus Three Emergency Rice Reserve’s Tier 3 program.
Samantala, nitong Lunes naman pinangunahan ni Department of Agriculture (DA) Sec. Francisco Laurel Jr. ang pamamahagi ng 100,000 sako ng bigas na donasyon ng SoKor para sa mga naapektuhan ng nagdaang bagyo sa Region 1 hanggang Region 5.
Ayon sa kalihim ang naturang food donation ng SoKor ay mahalagang suporta para sa pagsisikap na ginagawa para sa pagbangon at rehabilitasyon ng bansa matapos ang kalamidad, kung saan isa ang bayan ng Laurel sa lalawigan ng Batangas sa pinakamatinding sinalanta ng bagyong Kristine na nagbunsod sa mga pamilya na ma-relocate at marami din ang na-displace.