-- Advertisements --

Higit-kumulang 360 rounds ng warning shots ang pinaputok umano ng South Korean jets sa isang military plane ng Russia matapos nitong di-umano’y lumabag sa air space ng naturang bansa.

Ito ang kauna-unahang insidente na kinasangkutan ng dalawang bansa.

Ayon sa Defense Ministry ng South Korea, tatlong Russian military planes ang pumasok umano sa air defense identification zone ng South Korea bago tuluyang pasukin ng A-50 airborne ang himpapawid ng nasabing bansa.

Kaagad na tumugon dito ang mga South Korean fighter jets kung saan nagpakawala ang mga ito ng 10 flares at 80 rounds mula sa kanilang machine guns bilang warning shots.

Dahil dito ay kaagad na umalis ang naturang Russian reconnaissance aircraft ngunit bumalik din ito at muling nilabag ang South Korean airspace sa parehong araw.

Dito na raw muling nagpaulan ng 10 flares at 280 rounds ng putok mula sa mga machine guns ang mga South Korean fighter jets.

Dagdag pa ng hindi nagpakilalang South Korean officials, inaalam pa nila ang tunay na pakay ng Russian airplane sa kanilang bansa.