Nanawagan ang South Korea na agaran nang umalis ang mga tropa ng North Korea na umano’y naka-deploy sa Russia at nagagamit sa giyera ng Russia kontra Ukraine.
Ayon sa National Intelligence Service, ang spy agency ng SoKor, nakumpirma na nitong nagpadala ang NoKor ng kabuuang 1,500 special operation forces sa Russia.
Ang mga naturang sundalo ay upang tumulong sa Russia sa nagpapatuloy nitong giyera sa Ukraine.
Ipinatawag na rin ng SoKor government ang Russian Ambassador na nakabase sa Seoul, upang iprotesta ang ginawa ng NoKor.
Sa paghaharap nina Vice South Korean Foreign Minister Kim Hong Kyun at Russian Ambassador Georgy Zinoviev, kinundena ni Kim ang ginawa ng NoKor na aniya’y nagdudulot ng banta sa SoKor at sa international community.
Giit ni Kim, gagawin ng kaniyang bansa ang lahat ng makakaya bilang tugon sa naging aksyon ng NoKor, isang aksyon na umano’y banta sa national security at national interest ng SoKor.
Bago nito ay una nang sinabi ni Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy na natukoy ng mga intel officer ng Ukraine ang tinatayang 10,000 North Korean soldiers na nakahanda umanong sumali sa Russian forces na patuloy na nakikigiyera sa Ukraine.