Binawi umano ni South Korean President Yoon Suk Yeol ang nakatakdang pagbisita nito sa National Assembly ngayong araw kung saan humaharap ito sa impeachment proceedings matapos mabigo ang pagtatangka niyang pagpapatupad ng martial law matapos agad ding iniurong noong gabi ng Martes, Disyembre 3.
May mga naglitawan kasing hindi kumpirmadong reports na magtutungo ang SoKor president sa parliament para humingi ng tawad at magbitiw sa pwesto.
Subalit agad naman itong itinanggi ng Presidential Office at sinabing walang plano si Pres. Yoon na magtungo sa National Assembly. Sa kabila nito, nanatili naman sa loob ng gusali ang members of Parliament na nakatayo at nakaharang na may hawak na placards at sumisigaw ng impeach habang malaking grupo ng mga galit na opposition lawmakers ang nagkapit bisig sa entrance ng national assembly.
Nakatakda namang pagbotohan na bukas, araw ng Sabado, Disyembre 6 ang pag-impeach kay Pres. Yoon.
Kung sakali man na bumaba sa pwesto o ma-impeach si Yoon, sususpendihin siya habang nakabinbin ang hatol ng Constitutional Court na kailangang magpasya sa loob ng 180 araw. Pansamantala, si SoKor Prime Minister Han Duck-soo ang tatayong acting president kung magkataong suspendihin si Pres. Yoon.