Dinipensahan ni South Korean President Yoon Suk Yeol ang kaniyang martial law decree sa kaniyang muling pagharap sa publiko ngayong Huwebes, Disyembre 12.
Sa isang televised speech, sinabi ni Yoon na hindi niya intensiyon na guluhin ang constitutional order nang ideklara niya ang martial law noong Disyembre 3 at magpadala ng daan-daang tropa sa National Assembly. Nagawa niya umano ito para isalba ang kanilang bansa mula sa tinawag niyang “anti-state” opposition parties.
Aniya, ginamit ng oposisyon ang kanilang mayorya sa Assembly para iparalisa ang kanilang bansa.
Sinabi din ni Yoon na parte ng kaniyang constitutional powers bilang Pangulo ang kaniyang naging aksiyon at hindi ito nagpapakita ng insurrection gaya ng paratang sa kaniya ng oposisyon.
Kayat, nanindigan si Yoon na lalaban siya hanggang sa dulo.
Samantala, bago ang pinakabagong speech ni Yoon, nagpahayag na ng suporta ang ruling party na People Power na partido din ni Yoon para sa kaniyang impeachment. Una na kasing hinimok ng partido si Yoon na magbitiw na lang sa pwesto sa Pebrero o Marso dahil ito aniya ang pinakamabilis na paraan para mawaksan na ang political turmoil sa kanilang bansa na pinalala umano ng panandaliang deklarasyon ng martial law.
Matatandaan din na inisyal na tinanggihan ng ruling party na suportahan ang impeachment kay Yoon noong Sabado at binoycott ito sa pag-asang magbibitiw ang Presidente sa kaniyang pwesto.
Subalit sinabi ng liderato ng ruling party na walang progreso sa pagtatangka nilang kumbinsihin si Yoon na magbitiw.
Sa panig naman ni Pres. Yoon, nanindigan siyang mananatili siya sa kaniyang pwesto at kung sakaling ma-impeach, ipaglalaban niya ito sa Consitutional Court.