-- Advertisements --

Dumipensa ang legal team ni South Korean President Yoon Suk Yeol na hindi nakagawa ang Pangulo ng insurrection sa kaniyang deklarasyon ng martial law noong Disyembre 3.

Sa isang media briefing sa Seoul ngayong Huwebes, kinuwestiyon ng tagapagsalita ng legal team ni Yoon na si Seok Dong-hyeon kung saan sa mundo ang may lider na nagdeklara ng insurrection sa harap ng live press conference?

Matatandaan kasi na ginawa ni Pres. Yoon ang pagdedeklara ng martial law sa isang live television bagamat makalipas ang ilang oras ay binawi rin ito matapos tutulan ng South Korean lawmakers.

Tanong pa ng kampo ni Yoon na saan aniya makakahanap ng insurrection na nagtapos din sa loob ng 2 o 3 oras dahil pinigilan ng National Assembly ang martial law.

Matatandaan na nagpumilit ang SoKor lawmakers na makapasok sa parliament para pagbotohan ang pagtutol sa martial law sa kabila pa ng mga nakahilirang mga idineploy na sundalo matapos ngang ideklara ang martial law.

Sa ngayon, nananatiling suspendido si Yoon mula sa kapangyarihan nito bilang presidente matapos siyang i-impeach ng mga mambabatas noong Sabado. Bagamat hindi pa ito tuluyang napapatalsik, dahil sa batas ng South Korea, ang Constitutional Court ang magpapasya kung pagtitibayin nito ang impeachment motion ng National Assembly sa loob ng 6 na buwan.

Samantala, ipinag-utos ng Korte kay Yoon kahapon, Miyerkules na isumite ang kaniyang martial law decree gayundin ang mga record ng cabinet meetings na kaniyang idinaos bago at pagkatapos ng deklarasyon ng martial law.

Itinakda naman ng korte ang preliminary hearing sa impeachment ni Yoon sa Disyembre 27 bagamat hindi naman required na dumalo dito ang Pangulo.