-- Advertisements --

Humingi ng tawad si South Korean President Yoon Suk Yeol kaugnay sa kaniyang deklarasyon ng emergency martial law noong gabi ng Martes, Disyembre 3.

Ginawa ng SoKor President ang naturang hakbang ilang oras bago ang plano ng lawmakers na pagbotohan ang kaniyang posibleng impeachment ngayong araw ng Sabado.

Sa kaniyang public apology, inamin ni Pres. Yoon na ang kaniyang deklarasyon ng emergency martial law ay bunsod ng kaniyang desperasyon bilang pangulo na siyang namamahala sa state affairs. Subalit, nagdulot aniya ito ng pagkabahala at pagkaabala sa publiko. Kaugnay nito, lubos na humihingi siya ng tawad sa kanilang mamamayan na labis na nagulat sa nangyari.

Matapang namang inihayag ni Pres. Yoon na kaniyang haharapin ang legal at pulitikal na pananagutan sa kaniyang pagdedeklara ng martial law.

Pinawi din ng SoKor President ang mga pangamba sa umano’y panibagong deklarasyon ng martial law at nilinaw na hindi kailanman magkakaroon ng ikalawang martial law.

Inaako din aniya ng kanilang partido at gobyerno ang responsibilidad para sa pamamahala ng state affairs.

Nagtapos naman ang speech ni Pres. Yoon nang hindi nagpapahayag ng kaniyang pagbibitiw mula sa pwesto kung saan ipinaubaya na niya sa kaniyang Partido ang paggawa ng mga hakbang para ma-stabilize ang political situation sa hinaharap kabilang ang kaniyang termino bilang pangulo.