Tuluyan ng naaresto ngayong araw ng Miyerkules, Enero 15 si South Korean President Yoon-Suk yeol para sa questioning kaugnay sa insurrection charges laban sa kaniya may kinalaman sa kaniyang Dec. 3 martial law declaration.
Ito ang ikalawang arrest attempt kay Yoon matapos mabigo ang naunang pag-aresto sa kaniya noong January 3 dahil sa pagharang ng kaniyang presidential security service sa mga imbestigador mula sa Corruption Investigation Office for High-ranking Officials (CIO).
Ayon sa mga imbestigador, isinilbi nila ang arrest warrant kay Yoon dakong 10:33AM local time o 9:33 AM (oras sa Pilipinas) ngayong Miyerkules.
Sa isang statement naman, sinabi ni Yoon na nagkusa siyang sumama sa mga imbestigador para maiwasan ang karahasan matapos na mahigit 3,000 police officers ang nagtungo sa kaniyang presidential residence para arestuhin siya umaga nitong Miyerkules.
Aniya, nang makita niya ang pwersahang pagpasok ng arrest team sa security area gamit ang mga firefighting equipment, nagpasya siyang tumugon sa imbestigasyon ng CIO kahit na ito aniya ay illegal investigation para mapigilang dumanak ang dugo.
Ikinatwiran din ng abogado ni Yoon na iligal ang mga pagtatangkang ikulong ang Pangulo at layunin aniyang ipahiya ito sa publiko.
Bago naman ang pag-aresto kay Yoon, nagkaroon ng bahagyang girian sa pagitan ng arrest team at mga supporter ni Yoon na humarang sa may gate ng presidential residence para protektahan ang Pangulo.
Matapos naman pumayag na si Yoon na humarap sa imbestigasyon, ineskortan siya ng convoy patungo sa CIO headquarters.
Samantala, kasalukuyan ng sumasailalim sa interrogation si Yoon sa CIO headquarters. Maaaring ikustodiya sa loob ng 48 na oras si Pres. Yoon kasunod ng pag-aresto sa kaniya subalit kailangan ng mga imbestigador na mag-apply muli para sa panibagong arrest warrant para mapanatili siya sa kustodiya.
Si Yoon ang kauna-unahang nakaupong Pangulo ng South Korea na naaresto sa buong kasaysayan ng naturang bansa.
Matatandaan kahapon, sinimulan na ang impeachment trial ni Yoon subalit agad ding natapos makalipas ang 4 na minuto dahil sa hindi pagdalo ni Yoon.