-- Advertisements --

Ipinagtanggol ni South Korean President Yoon Suk Yeol ang kanyang deklarasyon ng martial law sa kanyang huling pahayag sa impeachment trial, sinasabing ito ay hakbang upang ipaalam sa publiko ang banta ng oposisyon sa bansa.

Habang inaasahang magpapasya ang Constitutional Court bago mag-March kung aalisin siya sa pwesto o ibabalik ang kanyang kapangyarihan, nanindigan si Yoon na walang mali sa kanyang ginawa.

Matatandaang nagdeklara ng martial law si Yoon noong Disyembre 3, na nagdulot ng kaguluhan sa politika at ekonomiya ng bansa. Dahil dito, in-impeach siya ng liberal opposition-controlled National Assembly at kinasuhan ng rebelyon, kung saan maaari siyang mahatulan ng habambuhay na pagkakakulong o parusang kamatayan.

Pinanindigan ni Yoon na ang kanyang hakbang ay para mapanatili ang kaayusan at hindi hadlangan ang trabaho ng lehislatura. Gayunpaman, ilang opisyal ng militar ang nagsabing inutusan sila ni Yoon na pigilan ang mga mambabatas sa pagbawi ng kanyang kautusan.

Nagkakaroon ngayon ng malawakang kilos-protesta sa mga lungsod ng South Korea, kung saan hati ang mga mamamayan sa pagsuporta at pagtutol kay Yoon.

Kung tuluyang maalis sa pwesto, magkakaroon ng snap elections sa loob ng dalawang buwan upang pumili ng bagong pangulo.