Dumalo sa unang pagkakataon ang South Korean President na si Yoon Suk Yeol sa Constitutional Court ngayong Martes upang harapin ang kinahaharap nitong impeachment complaint.
Lumaki ang political chaos sa South Korea nang mag deklara si Yeol ng martial law noong Disyembre 3, 2024 na tumagal ng anim na oras. Kaya’t ito ang nag udyok sa mga mambabatas doon na pababain ‘to sa puwesto.
Si Yoon, ang kauna-unahang nakaupong Pangulo sa South Korea na naharap sa ganitong mga legal na pagsisiyasat, at inaresto tungkol sa kasong may kaugnayan sa insurrection grounds, na nagdagdag pa ng lamat sa krisis pang-pulitika ng bansa.
Kaugnay nito ang kanyang legal na koponan naman ay nagsisikap na ipagtanggol ang kanyang mga aksyon. Habang itinuring ang pagdeklara ng martial law bilang isang pangunahing hakbang at tugon sa umano’y pandaraya sa eleksyon, na anila ay naging dahilan ng malaking tagumpay ng oposisyon sa nakaraang taon na halalan.
Samantala, mahalaga ang magiging desisyon ng Constitutional Court, dahil kung ito ay magpapatibay sa impeachment, tatanggalin si Yoon sa kanyang pwesto, at magkakaroon ng halalan sa loob ng 60-araw upang pumili ng bagong presidente.