CENTRAL MINDANAO-Natapos na at inaasahang magiging full operational sa unang quarter ng taong 2023 ang Solar Powered Feed Mill project na pinondohan ng Mindanao Development Authority o MinDA sa lungsod ng Kidapawan.
Nagkakahalaga ng kabuo-ang P6,464,725.46 ang nabanggit na proyekto na itinayo ng MinDA sa Demo Farm ng City Agriculture Office sa Barangay Kalaisan Kidapawan City.
Naipatupad ang proyekto sa ilalim ng Integration of Productive Uses of Renewable Energy for Sustainable and Inclusive Energization in Mindanao or IPURE Mindanao Project.
Ikinagalak ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista ang naturang development matapos siyang bisitahin ng team mula sa MinDA kung saan ay napag-usapan ang estado at updates ng Solar Power Feed Mill Project.
Layon ng proyektong nabanggit na makatulong sa sector ng agrikultura lalo na yaong nagpo-produce ng feed mula sa mais at palay na maiproseso ang kanilang mga produkto sa pamamagitan ng renewable energy solution particular ang solar energy.
Makakatipid din ng malaki sa bayarin ng kuryente ang mismong City Government mula sa naturang proyekto sa pagpo-proseso ng produktong mais at palay para gawing feeds na pagkain naman ng mga hayop na ginagamit sa pagsasaka o o di kaya ay livelihood ng mga mamamayan.
Inilagay ng MinDA sa Demo Farm ng City Agriculture Office ang Solar Powered Feed Mill Project mula March hanggang December 2022.
Ito ay kinapapalooban ng 112 units ng 450Watt Solar Panels at kalakip na mga components gaya ng inverters, controllers, monitoring devices and accessories, mounting structures, switches, lighting protection and grounding materials.