Nagpaabot ng kanyang pagbati si Solicitor General Jose Calida sa Kamara at sa Committee on Legislative Franchises kaugnay sa pagbasura sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN.
Sa isang pahayag, sinabi ni Calida na ang nasabing hakbang ay hindi lamang paggampan sa kanilang mandato kundi katuparan na rin umano ng pangako ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa taumbayan na magiging “patas, komprehensibo at malaliman” ang mga pagdinig tungkol sa isyu.
“We salute Speaker Cayetano, Deputy Speaker Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, Deputy Speaker Rodante Marcoleta, Committee on Legislative Franchises Chair Rep. Franz Alvarez, Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado, Rep. Mike Defensor, Rep. Elpidio Barzaga, and all those who voted in favour of the Committee Resolution for their leadership and integrity,” pahayag ni Calida.
Binigyang-diin din ni Calida na dahil sa hindi pinagbigyan ang franchise renewal ng ABS-CBN, pinatunayan lamang daw ng Committee on Legislative Franchises na tama ang alegasyon ng Office of the Solicitor General na nakasaad sa kanilang quo warranto petition na isinampa sa Korte Suprema.
“Its Committee Resolution confirmed that ABS-CBN violated its franchise when it launched and operated its KBO channel without prior approval or permit from the NTC. The Resolution also found that ABS-CBN allows foreign control over their company through its issuance of PDRs. Section 11, Article XVI of the 1987 Constitution limits ownership and management of mass media solely to Filipino citizens,” giit nito.
Maliban pa dito, inihayag ni Calida na ang denial sa prangkisa ay hindi maaaring tawagin na pagpigil sa kalayaan sa pamamahayag dahil ang pangunahin umanong epekto ng naturang hakbang ay ang pagpapatibay sa probisyon sa konstitusyon at mga batas na sumasaklaw sa mga media companies gaya ng ABS-CBN.
Bunsod nito, iginiit ni Calida na ginawa lamang daw ng Kongreso ang kanilang tungkulin sa Saligang Batas at nanaig din ang rule of law.