Hiniling ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema na magpasya ang en banc para pagbawalan si Senior Associate Justice Antonio Carpio na lumahok sa deliberasyon sa writ of kalikasan petition hinggil sa West Philippine Sea.
Ang mosyon ng OSG ay kasunod ng pahayag ni Carpio na hindi siya mag-iinhibit sa deliberasyon ng writ of kalikasan.
Sa isang pahayag, sinabi ng OSG na dapat ay mag-inhibit si Carpio dahil sa kanyang “personal bias and manifest partiality.”
Kaya ayon sa OSG, ang en banc na raw mismo ang dapat na magdesisyon para pagbawalan si Carpio.
Paliwanag ng OSG, dapat hindi sumali sa deliberasyon si Carpio dahil sa aktibo nitong partisipasyon sa arbirtal proceedings sa naipanalong kaso ng Pilipinas laban sa China sa gusot sa South China Sea.
“As evidenced by his active participation in the South China Sea (SCS) Arbitral Proceedings and his continuing public pronouncements against the actions taken by the government in relation to the SCS Arbitral Award,” saad sa pahayag ng OSG.
Giit ng OSG, nakasaad sa New Code of Judicial Conduct na binalangkas mismo ng Korte Suprema na kapag ang isang hukom ay hindi makapagdesisyon na walang pinapanigan sa isyu na tatalakayin ng korte, hindi na dapat ito lumahok sa deliberasyon.
“It is interesting that even before the OSG filed its motion for inhibition, Justice Carpio already told the media that he will not inhibit in this case. This puts the OSG in a bind,” saad nito.
“Our motion will be an exercise in futility if the issue of his inhibition will be solely left for him to decide. It should be the Supreme Court, as a collegial body, which should decide on our motion.”