Ipinauubaya na ni Solicitor General Menardo Guevarra ang desisyon sa gitna ng mga panawagan na magbitiw na siya sa pwesto.
Ito ay matapos tumanggi ang SolGen na depensahan ang mga opisyal ng gobyerno sa Korte laban sa habeas corpus petitions na inihain may kinalaman sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa bisa ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC), dahil maaaring hindi umano niya epektibong mairepresenta ang mga respondent dahil nanindigan siyang walang hurisdiksiyon sa bansa ang international tribunal.
Nilinaw naman ni Guevarra na walang conflict of interest sa kaniyang naging desisyon sa kabila ng pagsisilbi niyang kalihim ng Department of Justice (DOJ) noon sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Duterte.
Giit pa ng opisyal na ang OSG ay kumakatawan sa interes ng republika kaugnay sa usapin sa ICC at wala itong ibang interes, gayundin ikinatuwiran ng SolGen na ang kaniyang pagtanggi ay hindi personal kundi institusyonal.
Sa panig naman ng Malacañang, sinabi ni Presidential Communications Undersecretary Claire Castro nitong Martes na dapat aniyang i-assess ng SolGen ang kaniyang sarili kung nararapat pa umano itong tumayo bilang Solicitor General.
Sa kabila naman ng recusal ng Solicitor General, nanindigan si Castro na hindi kailanman binanggit ni Guevarra na mali ang pakikipagtulungan ng gobyerno sa International Criminal Police Organization (Interpol) na siyang nagpaalam kaugnay sa arrest warrant ng dating Pangulo mula sa ICC.