-- Advertisements --

Hangad ng ilang senador na maisalang na sa hearing ng Kamara ang isyu ng prangkisa ng ABS-CBN para marinig na ang mga panig na bahagi ng usapin.

Dito kasi inaasahang lilitaw ang mga sanhi ng reklamo laban sa naturang media company, pati na ang argumento ng mga pabor para magpatuloy ang pag-iral nito.

Para kay Sen. Grace Poe, kailangang maaksyunan na ito para na rin malaman na ang magiging kapalaran ng mga maaapektuhan.

“Para sa akin bilang chairman ng Committee on Public Services, nagbibigay ako ng paggalang sa Mababang Kapulungan na dinigin nila ‘yan sapagkat dapat nag-uumpisa sa kanila pero dahil malapit na nga ang expiration baka mawalan naman ako ng prerogatiba kundi didinggin na lang ‘yan kaagad para at least mabigyan ng pagkakataon, hindi lamang ang mga empleyado ng ABS-CBN, kundi yung mga nagrereklamo laban sa ABS-CBN na ilabas nila ang kanilang mga saloobin at ang kanilang mga pruweba. At para sakin kapag ikaw ay nagkaroon ng violation or hindi pagtugon sa iyong kasunduan, meron ‘yang karampatan na kaparusahan kung hindi man ito ay multa, puwedeng suspensyon. Pero sabihin para kanselahin dapat ay napakabigat talaga ng iyong pagkakasala para ito ay mangyari,” wika ni Poe.

Para naman kay Sen. Risa Hontiveros, isang paglabag sa diwa ng demokrasya ang pagpapasara sa media networksa pamamagitan ng quo warranto petition.

“It should be clear to any government in a modern democracy that the free press is not our enemy. Ang media ay hindi kalaban. It is in this light that I see the Solicitor-General’s quo warranto petition against ABS-CBN as an attack on the free press and a vindictive move against critical journalism,” pahayag ni Hontiveros.

Sa panig naman ni Sen. Panfilo Lacson, malaya si Solicitor General Jose Calida na humiling ng quo warranto laban sa ABS-CBN, pero hindi rin naman mapipigilan ang kapangyarihan ng Kongreso kung gustong aprubahan ang nasabing franchise.

“Solicitor General Jose Calida cannot be prevented from filing the petition in the case of the legislative franchise of ABS-CBN. Likewise, Congress is likewise not prevented from exercising its powers under the same Constitution to act on the application for renewal or a new franchise which is now pending before the House of Representatives,” wika ni Lacson.

Una rito sa statement ng TV network, iginiit nito na walang basehan ang mga alegasyon ng Office of the Solicitor General.

“Sumusunod ang ABS-CBN sa mga batas kaugnay ng aming prangkisa at aprubado ang operasyon namin ng mga kaukulang sangay ng gobyerno. Aprubado, may permiso ng gobyerno, at hindi labag sa franchise ang lahat ng mga serbisyo namin sa broadcast, kasama na ang KBO. Masusing sinuri at inaprubahan ng Securities and Exchange Commission at Philippine Stock Exchange ang Philippine Deposit Receipts o PDRs ng ABS-CBN Holdings bago ito inialok sa publiko.”