-- Advertisements --

Tumanggi ang Office of the Solicitor General (OSG) na kumatawan sa mga opisyal ng gobyerno na kinukwestyon sa mga petisyong inihain sa Korte Suprema kaugnay sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa bisa ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC).

Sa ilalim kasi ng batas, ang OSG ang nagsisilbing abogado ng gobyerno.

Subalit sa inihaing manifestation of recusal nitong Lunes, nanindigan si Solicitor General Menardo Guevarra sa matatag na posisyon ng OSG na walang hurisdiksiyon sa Pilipinas ang ICC at ang investigative, prosecutorial at judicial system sa bansa ay gumagana, kayat posibleng hindi nito epektibong mairepresenta ang mga respondent sa mga kasong ito at tumangging makibahagi dito.

Sa huli, hiniling ni Guevarra sa Korte Suprema na ikonsidera ang kaniyang mosyon.

Hindi naman binanggit ng SolGen sa kaniyang mosyon ang isyu sa International Criminal Police Organization (Interpol) na siyang nagpaalam sa Pilipinas kaugnay sa arrest warrant sa dating Pangulo. Nauna na kasing ikinatuwiran ng ilang opisyal ng gobyerno na bagamat wala ng hurisdiksiyon ang ICC sa PH, miyembro pa rin ang bansa sa Interpol.

Samantala, kinumpirma naman ng Korte Suprema ang paghahain ng mosyon ng SolGen. Ayon kay SC spokesperson Camille Ting, natanggap ng korte nitong hapon ng Lunes ang manifestation of recusal ng OSG mula sa mga inihaing consolidated habeas corpus petitions mula sa mga anak ng dating Pangulo na sina Veronica “Kitty” Duterte at Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.

Kinumpirma din ng SC na nakatanggap sila ng mosyon para tanggalin si Guevarra bilang party respondent sa mga kaso.

Maliban nga kay Guevarra, kabilang sa mga respondents sa petisyon ay sina Executive Sec. Lucas Bersamin, DOJ Sec. Boying Remulla, PNP Chief Rommel Marbil, PMGen. Nicolas Torre III, DFA Sec. Enrique Manalo, Immigration Commissioner Norman Tansingco, AFP Chief Romeo Brawner, at USec. Antonio Alcantara ng Philippine Center on Transnational Crime.