Nilinaw ni Solicitor General Menardo Guevarra na wala pa silang natanggap na anumang notice of communication mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay sa posibleng warrant of arrest laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Paliwanag ng opisyal na ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang official entry point para sa anumang notice of communication bilang ito ay isang usapin ng diplomatic courtesy.
Ginawa ng SolGen ang pahayag matapos sabihin ni PCO Secretary Jay Ruiz nitong gabi ng Linggo na may narinig sila na may warrant of arrest na umanong inilabas ang International Criminal Court laban sa dating Pangulo para sa crimes against humanity at nakahanda aniya ang pamahalaan para sa anumang kaganapan.
Samantala, nauna naman ng sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na bagamat tiniyak ng pamahalaan ang kooperasyon nito sa posibleng pag-aresto sa dating Pangulo, binigyang diin nito ang posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang hurisdiksiyon sa PH ang ICC dahil kumalas na ang bansa sa international body noon pang 2019.