Wala umanong nalalaman si Solicitor General Menardo Guevarra kaugnay sa nadiskubreng tunnel sa compoud ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Ito ang naging pahayag ng dating Kalihim ng Department of Justice kaugnay sa naturang isyu na nagsilbi sa ilalim ng Duterte administration nang simulan ang paghuhukay sa naturang tunnel noong taong 2019.
Aniya, posibleng hindi nakikitang kailangan pang ipaalam ng Bureau of Corrections (BuCor) ang naturang isyu o humingi ng authorization mula sa DOJ.
Magugunita na nadiskubre ang naturang tunnel sa loob ng bilibid kasunod ng pagkakakumpiska sa 12,000 kontrabado mula sa Bilibid kabilang ang iligal na droga,beer, matutulis na bagay at cellphones.
Sinabi ni BuCor officer-in-charge Gregorio Catapang Jr, hindi awtorisado ang naturang excavation sa loob ng bilibid na 200×200 meters ang lawak at 30 metro ang lalim patugo sa Director’s Quarters.
Nauna na ring sinabi ni Catapang na posibleng konektado ito sa iligal na paghuhukay ng kayamanan at hindi rin isinasantabi ang posibilidad na paggamit sa naturang tunnel para sa pagpuslit ng mga kontrabando o lagusan para sa pagtakas ng mga bilanggo.
Sinabi naman ni suspended BuCor chief Gerald Bantag na ang naturang excavation ay para sa pagtatayo ng isang swimming pool dahil siya ay isang scuba diver at itinanggi na ito ay ginawa bilang escape tunnel.