-- Advertisements --

LONDON – Tinangay ng mga magnanakaw ang 18-carat na solidong gintong inidoro mula sa Blenheim Palace sa Oxfordshire, England na lugar kung saan isinilang si dating British prime minister Winston Churchill.

Ang nasabing kubeta, na gawa ng Italian conceptual artist na si Maurizio Cattelan, ay kalalagay lamang sa lugar dalawang araw na ang nakalilipas.

Ayon sa Thames Valley Police, dakong alas-4:50 ng madaling araw (British time) nang looban ng isang gang ang palasyo para nakawin ang artwork.

Dahil sa nakakonekta rin ang inidoro sa plumbing system ng palasyo, ang pag-alis dito ay nagdulot ng pagbaha sa gusali.

Nadakip naman ng mga otoridad ang isang 66-anyos na lalaki, ngunit hindi pa nila nahahanap ang kubeta.

“The artwork has not been recovered at this time but we are conducting a thorough investigation to find it and bring those responsible to justice,” wika ni Thames Valley Police Detective Inspector Jess Milne.

Sa pahayag naman ng Blenheim Palace, nalulungkot daw sila sa nangyari ngunit nakahinga raw sila nang maluwag dahil walang nasaktan sa insidente.

“We knew there was huge interest in the Maurizio Cattelan contemporary art exhibition, with many set to come and enjoy the installations,” saad nito sa tweet.

“It’s therefore a great shame an item so precious has been taken, but we still have so many fascinating treasures in the Palace and the remaining items of the exhibition to share.” (AP/ BBC)