BAGUIO CITY – Naging mini festival ang solidarity night ng Igorot community sa Davao City at ng Team Cordillera na nakikibahagi sa kasalukuyang Palarong Pambansa 2019 sa nasabing lungsod kamakalawa.
Bahagi ito ng pakikipagdiriwang ng Cordillera Mindanao (CorMinda) sa mga coaches, chaperones at mga atleta ng rehiyon Cordillera na isinagawa sa Kapitan Tomas Monteverde Elementary School na billeting area ng Fearless Highlanders.
Sumayaw ang mga Igorot sa tunog ng mga gongs o gangsa bilang pagdiriwang sa pagtagumpay ng mga atletang nakakuha ng mga medalya sa Palaro, sa pagkakaisa at suporta ng bawat Igorot.
Sinuportahan ng mga Igorot na ngayon ay naninirahan na sa Mindanao ang Team Cordillera sa pamamagitan ng pag-cheer sa ilang mga laro ng mga atleta at pagbisita sa billeting area ng mga ito bilang pampalakas ng morale.
Labis naman ang kasiyahan ni Retired Colonel Fidel Francis Pumihic, bise presidente at isa sa mga elders ng CorMinda sa nasabing aktibidad dahil aniya, nabubuhay pa rin ang culture of solidarity ng mga Igorot kahit pa sa Mindanao na sila naninirahan.
Aniya, ang partisipasyon ng Team Cordillera sa Palarong Pambansa ang nagbalik sa kanila sa kanilang tahanang rehiyon kaya ginawa din nilang “at home” doon ang delegasyon.
Kasalukuyang pinapangunahan ni Dr. Jon Bayugan, presidente ng Davao Del Norte State College ang CorMinda na organisasyon ng mga Igorot sa Mindanao na nabuo, limang taon na ang nakakaraan sa Davao City para maipagpatuloy ang pagmamahal nila sa kanilang kultura at pagkakaisa kahit na malayo sila sa Cordilleras.