Tiniyak ni Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera sa mga “solo parent” na mga magulang na kaniyang isusulong para mabibigyan na ng pansin ng pamahalaan at mabibiyayaan ng mga programa ang mga ito.
Ayon kay Herrera, na umaming isa ring solo parent, marami pang kailangang punan ang gobyerno upang matulungan ang mga solo breadwinner, legal guardian, at caregiver.
Binanggit ni Herrera ang bagong adhikain ng Bagong Henerasyong Partylist na “I-angat ang Lahat ng Pamilya” na siya aniyang sumisimbolo sa mas pinaigting na pagkilala sa mga pangangailangan ng mga “soloista” at kanilang pamilya.
“Naniniwala po ako na hindi tayo lumalayo sa ating adhikain na pagyamanin ang susunod na henerasyon ng mga pamilya sa Pilipinas. Ang mga programang naka-base sa hangaring magpa-abot ng tulong sa mga solo-parent family ay mga progresibong hakbang tungo sa pag-unlad ng lipunan,” dagdag ni Herrera.
Ayon sa kongresistam batay sa isang pag-aaral na nagsasabing mahigit-kumulang 15 million na ang naitalang solo parents sa bansa, at 95% nito ay babae.
Dagdag pa ni Herrera, karaniwan sa mga soloista ay hirap makakuha ng benepisyong nakasaad sa Solo Parent Act, kabilang na dito ang pagkuha ng mismong Solo Parent ID.
May mga establisyemento rin, umano, ang hindi tumatanggap o nag-bibigay ng kaukulang diskwento o benepisyo sa mga Solo Parent ID holders.
Inihain ni Herrera ang House Resolution No. 1681 na siyang magpapaigting sa Expanded Solo Parents Welfare Act o Republic Act No. 11861.
Dahil sa mga amyenda ng HR No. 1681, napalawak sa batas ang depenisyon ng isang solo parent at naisama na sa kategoryang ito ang mga asawa ng Overseas Filipino Worker (OFW) na nanatili sa bansa upang alagaan ang kanilang mga anak, at ang mga buntis na walang kinakasama. Kasama rin sa mga amyenda ang pagbibigay prayoridad sa mga solo parent na gustong kumuha ng work-from-home agreement mula sa kanilang mga employer ayon sa Telecommuting Act at ilan pang mga benepisyo.
Ayon kay Herrera, kailangan mas palawakin at bigyang pansin ang batas na ito upang masigurado na mayroon itong sapat na pondo at implementasyon.
Nagpasalamat naman si Herrera sa malugod na pag-tugon ng ilang mga kumpanya sa adbokasiya ng kongresista.