-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Idinepensa ng isang mambabatas si Vice President Leni Robredo sa mga maagang nagbabalewala sa kakayahan nito sa kampanya kontra sa iligal na droga.

Ilang opisyal ang nagpaalala at mistulang kumuwestiyon sa kaalaman ni VP Leni sa law enforcement sa umano’y giyerang kakaharapin.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate, umaasa itong hindi maging palamuti lang si VP Leni sa kampanya.

Ayon pa kay Zarate na mas maigi na ang taong limitado ang karanasan kaysa sa marami ang alam subalit bigo pa ring matupad ang pangakong tapusin ang problema sa loob ng ilang buwan.

Ibigay umano ang maayos na sakop ng bise presidente upang makabahagi sa aksyon ng ahensya at matigil na ang marahas na approach kung saan itinuturing na “police problem” ang isyu imbes na “social problem”.

Hindi naman maiwasang isipin ni Zarate na posibleng dumating ang panahon na si VP Leni ang pagbuntunan ng sisi kung sakaling papalpak ang kampanya sa bandang huli.

Panawagan pa nitong bigyan ng kapangyarihan si Robredo na kahit hindi maitigil sa pangkalahatan subalit magkaroon lamang ng substantial solution sa problema sa iligal na droga.