-- Advertisements --
Bonito Singson
Rep. Bonito Singson

VIGAN CITY – Nanindigan ang isang mambabatas na hindi umano nito iaatras ang kaniyang panukala na gawing dalawang taon ang probationary period sa mga manggagawa bago maging regular sa trabaho mula sa kasalukuyang anim na buwan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Probinsiyano Ako Partylist Rep. Jose “Bonito” Singson Jr., sinabi nito na dumarami na ang mga sumusuporta sa kaniyang inihaing House Bill 4208 dahil nakita umano nila na pro-labor ang nasabing panukala.

Maliban pa dito, naniniwala si Singson na ang 2-year probationary period ang tatapos sa endo o kontraktwalisasyon dahil pinoprotektahan nito ang mga empleyado sa posibleng pagkakatanggal sa trabaho tuwing sasapit ang anim na buwan.

Kasabay nito, bwineltahan ng nasabing kongresista si Labor Secretary Silvestre Bello III dahil sa pagkontra nito sa kaniyang panukala at sa halip ay itinutulak ang mahigpit na pagpapatupad ng apprenticeship contract kung saan hahabaan ang pagiging apprentice ng isang manggagawa ngunit mababawasan naman ang suweldo nito.

Iginiit ng kongresista na sa kaniyang itinutulak na panukala ay hahaba lamang ang probationary period sa mga mangagagawa ngunit hindi mababawasan ang tatanggapin nitong suweldo at malaki pa ang tsana na maregular ito sa trabaho kung mapapatunayan na nababagay sila sa kanilang pinasukan.