Iminumungkahi ni Surigao Del Norte Representative Robert Ace Barbers kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tuluyan ng tanggalin ang Executive Order 285 ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Ang kautusan ay kaugnay na rin sa pagbibigay ng pahintulot sa Bureau of Immigration na tanggapin o gawing student visa ang tourist visa.
Nangangamba ang mambabatas na sa kasalukuyang panahon, ang kapangyarihang ito ng BI ay maaring maabuso, at maaring magamit ng mga tiwaling kawani bilang pagkakakitaan.
Ayon na rin sa ulat ng immigration, may 16,200 student visas ang iginawad ng tanggapan sa mga Chinese national na ayon kay Barbers ay hindi katanggap-tanggap lalo na sa kasalukuyang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China.
Iginiit pa ni Barbers, ang Department of Foreigns Affairs lamang ang dapat at tanging ahensya ng pamahalaan ang dapat na magbigay ng visa sa mga dayuhan.
Paliwanag pa ng mambabatas ang DFA ang may kakayayahan na matukoy kung sino ang mga karapat-dapat na bigyan ng visa.
Sa ilalim ng EO 285, nilikha ang inter-agency committee on foreign students na pinamumunuan ng Commission on Higher Education, kasama ang DFA, National Bureau of Investigation, National Intelligence Coordinationg Agency at Department of Education bilang mga miyembro.