LEGAZPI CITY – Hamon para kay Presidente Rodrigo Duterte na kondenahin ang ginawang pagpapadala ng 220 Chinese militia vessels sa Julian Felipe Reef ng West Philippines Sea na sakop ng Exclusive Economic Zone ng bansa.
Pahayag ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate sa Bombo Radyo Legazpi, deriktang pagsawsaw na ang sitwasyon sa soberanya ng Pilipinas.
Kulang rin aniya kung ang diplomatic protest at pahayag lamang ng Department of Foreign Affairs at Department of National Defencse ang paiiralin habang wala na namang pahayag ang Presidente.
Makailang beses na rin kasi na pinalagpas ang mga agresibong aksyon sa WPS kung kaya nababahala si Zarate na baka mauwi na naman ito sa pagtatayo ng China ng artificial island sa naturang reef.
Labis aniya ang kahalagahan ng pagsulong ng Code of Conduct ng mga claimant countries upang mas maging malinaw ang pagrespeto sa karapatan ng mga bansa sa teritoryo.
Imbes na tumutok sa ”red-tagging” sa mga aktibista ayon pa kay Zarate, agresibong aksyon na ang ibigay sa mga nambu-bully sa bansa.