Hinamon ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua si dating Presidential spokesperson Harry Roque na magpakatotoo at aminin ang kanyang kaugnayan sa dalawang dayuhan na naaresto sa isang bahay sa Tuba, Benguet na kasama siya sa nagmamay-ari.
Inamin ni Roque sa pagdinig ng Senado na mayroon itong interes sa korporasyon na nagmamay-ari ng bahay kung saan naaresto ang dalawang Chinese national na ini-uugnay sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Bamban, Tarlac, na hinuli kaugnay ng paglabag sa visa.
Sinalakay ang bahay matapos makatanggap ng impormasyon ang Presidential Anti-Organized Crime Commission na isang babaeng Chinese na wanted kaugnay ng raid sa Bamban ang nagtatago roon.
Sinabi ni Chua na ang pagkakasangkot po ni Secretary Roque dito sa Benguet raid,ay dapat talagang sinusuri dahil ang integridad ng ating gobyerno ang nakukwestyon.
Nauna rito, sinabi ni Philippine Amusement and Gaming Corporation chairman at CEO Alejandro Tengco na sinamahan ni Roque sa kanyang tanggapan ang isa sa mga POGO sa Porac, Pampanga na ni-raid.
Itinanggi ni Roque na nag-abugado ito para sa Lucky South 99 Inc., na iligal umano ang operasyon bilang POGO.