-- Advertisements --




Nananawagan si Bicol Saro Partylist Representative Brian Raymund Yamsuan sa liderato ng Philippine National Police (PNP) na simulan na ang pagpapalawak sa training at patuloy na edukasyon sa kanilang mga police personnel upang masiguro na nakakasunod sila sa repormang ipatutupad ng Department of Justice sa pagkuha ng mga ebidensiya at case buildup sa mga kasong criminal.

Sinabi ni Yamsuan na layon ng DOJ sa pagtakda ng mga bagong panuntunan ay upang matiyak na maging “winnable” ang mga kaso kapag naihain sa korte, makakamit lamang ito kung sumusunod sa police operational procedures ang mga kapulisan na nagse-secure ng crime scenes.

Dahil sa itinaas na ng DOJ ang kanilang standard, nararapat lamang na nakatuon ang pansin ng PNP sa patuloy na edukasyon at training ng kapulisan.

Pinuri ni Yamsuan si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa pagtutulak ng mga reporma sa justice system ng bansa.

Kumpiyansa si Yamsuan na ang bagong criminal investigation procedures ng DOJ ay maiiwasan na ang paghahain ng harassment complaints at mga mahinang kaso sa korte.

Inihayag ng Bicolano lawmaker, para fiscal year 2024, nasa P1.26 billion pondo ang inilaan ng PNP para education and training ng kanilang uniformed personnel.

Inalala din ni Yamsuan sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety kung saan siya ay miyembro, tinawag ang atensiyon ng mga police officers na sangkot sa drug buy-bust operations dahik sa hindi pagsunod sa police operational procedures.

“At one of the hearings, a police officer who acted as the team leader in one of the drug buy-bust operations even admitted that he had not undergone any retraining or any sort of refresher course since entering the PNP almost 14 years ago,” pahayag ni Yamsuan.