-- Advertisements --

Hinimok ni Representative Brian Raymund Yamsuan ang mga local government units (LGUs) na bumuo ng community-based programs laban sa online sexual abuse and exploitation of children at magpasa ng ordinansa para matuldukan ang nasabing krimen.

Ayon kay Yamsuan, ang paglaban sa OSAEC ay dapat dalhin sa antas ng barangay upang higit pang palakasin ang magkasanib na pagsisikap ng gobyerno at pribadong sektor upang mapanatiling ligtas at protektado mula sa pang-aabuso ang mga batang Pilipino.

Pinaalalahanan din ni Yamsuan ang mga LGU na sa ilalim ng Republic Act 11930 o ang Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) And Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation (CSAEM) Act, ang mga sanggunian o LGU council ay inaatasan na magpasa ng mga ordinansa na naglalayong i-localize ang paglaban sa mga gumagawa ng “kasuklam-suklam na krimen laban sa ating mga anak.”

“We should further strengthen our efforts to put an end to this societal menace that violate the rights of children, destroy their dignity, and leave them emotionally scarred for life. We urge our LGUs to bring our fight against the sexual abuse of children, whether online or offline, down to the community level,”pahayag ni Yamsuan.

Ginawa ni Yamsuan ang pahayag matapos na mahatulang guilty ang graphic artist ng Disney at Pixar studios, na si Bouhalem Bouchiba sa isang korte sa France at sinentensiyahan ng 25 years na pagkakabilanggo.

Dagdag pa ni Yamsuan, “Ang mga ganitong kasuklam-suklam na krimen ay dapat na hindi pinapalagpas . Kaya naman tulad ng unang nasabi na ng DILG, pinapaalalahanan natin ang mga opisyal ng barangay na huwag na huwag na papayag na ma-settle o maayos na lamang kapag may nai-report sa kanila na mga kasong sexual abuse sa mga bata, maging offline or online man ito.

Ayon sa mambabatas ang mga barangay officials ang dapat mag report sa otoridad kapag mayruong ulat na OSAEC-related incidents.

Aniya, maaaring i-pattern ng mga lokal na sanggunian ang kanilang mga anti-OSAEC na ordinansa sa modelo at guidelines na inilabas na ng DILG noong Setyembre 24 sa pamamagitan ng Memorandum Circular 2024-140.

Ang Circular, na inilabas noon ni DILG Secretary Benhur Abalos, ay sumasaklaw sa lahat ng LGU officials; ang Ministro ng Lokal na Pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM); at DILG regional, provincial, city at municipal directors and officers.

Bukod sa pagsasabatas ng mga ordinansa laban sa OSAEC, inaatasan din ng Circular ang mga LGU na mag-institutionalize ng mga programa para sa pag-iwas at pagpuksa sa mga krimeng ito, gayundin ang paglalaan ng rehabilitasyon at reintegrasyon ng mga biktima.

Hinihikayat din ng Circular ang mga LGU na tulungan ang mga kaugnay na ahensya, tulad ng mga lokal o field office ng Department of Justice, Philippine National Police, National Bureau of Investigation, Department of Social Welfare and Development, bukod sa iba pa, sa pagtiyak sa pagpapatupad ng Anti -OSAEC Law sa pamamagitan ng pare-parehong pagtutulungan at pakikipagsosyo.”