Hinimok ni Cagayan De Oro Second District Representative Rufus Rodriguez si Pangulong Bongbong Marcos na lagdaan na ang panukalang batas na magpapatibay sa posisyon ng Pilipinas laban sa agresibong aktibidad ng China sa West Philippine Sea.
Ito’y sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China ukol sa pinag-aagawang teritoryo at ang patuloy na panghihimasok sa 200-mile exclusive economic zone ng bansa.
Bukod pa rito ang inilabas na regulasyon ng China na nag-aatas sa Coast Guard nito na ikulong ang mga dayuhang “trespassing” sa WPS.
Ayon kay Rodriguez, palalakasin ng Philippine Maritime Zones Bill ang paninindigan ng bansa sa maritime at sovereign rights sa WPS at sa EEZ at paiigtingin ang enforcement ng defense-military forces sa ating karapatan.
Ang pagsasabatas sa panukala ay alinsunod aniya sa international laws, mga kasunduan at conventions kabilang ang UNCLOS at ang 2016 arbitral ruling na nagbabasura sa malawak na pang-aangkin ng Beijing sa South China Sea.
Ipinunto pa ng kongresista na pinapayagan ng UNCLOS ang mga bansa na tukuyin ang kanilang maritime boundaries.
Sa sandaling maging ganap na batas ay magsisilbing framework ang Philippine Maritime Zones Act sa pagresolba ng territorial disputes at sa exploration ng resources sa maritime zones ng bansa.