Isinusulong ni AGRI Party-list Representative Manoy Wilbert Lee na dagdagan pa ang benepisyo ng Philhealth para sa kanilang mga miyembro.
Ito’y sa kabila ng magandang balita hinggil sa pinalawak at pinataas na benepisyo ng Philhealth.
Ginawa ni Lee ang panawagan, matapos inanunsyo ng pamunuan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pagtataas sa mga benefit packages nito, kabilang na ang ibinida nitong 50% increase sa coverage sa 9,000 na case rates o mga sakit.
Sa isang press conference ibinahagi ni Lee na ang nasabing pagtaas at pagpapalawak sa mga benepisyo ay bahagi ng isinulong niyang commitment na pinirmahan mismo ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa at PhilHealth President and CEO Emmanuel Ledesma Jr. sa deliberasyon ng budget sa Kongreso noong Setyembre 2024.
“Marami pa tayong sinisingil sa DOH at PhilHealth sa mga ipinangako nila sa taumbayan para mapagaan ang pasanin sa gamot at pagpapagamot,” pahayag ni Lee.
Ayon sa mambabatas, na siyang nag-expose sa bilyon-bilyong sobrang pondo ng PhilHealth noong Setyembre 2023, kabilang sa dapat pang ipatupad ng DOH at PhilHealth ay ang komprehensibong plano para mapababa ang gastos sa pagpapa-ospital hanggang sa maging libre na ito, detalyadong listahan ng mga available na gamot at bakuna sa pampublikong ospital, libreng PET scan, CT scan, MRI at iba pang diagnostic tests, at mas mataas pang coverage sa pagpapagamot sa kanser at operasyon sa puso.
Babala pa ni Lee, dapat bilisan pa ng naturang mga ahensya ang pagpapatupad ng dagdag na mga benepisyong pangkalusugan, dahil nakaambang tumaas ng mahigit 18% ang gastusin sa pagpapagamot ayon sa pinakahuling survey ng WTW Global Medical Trends.
Binigyang-diin ni Lee, mababalewala ang mga dagdag na benepisyong ito kung magmamahal na naman ang gastos sa pagpapagamot. Hindi pwedeng tingi-tingi at mabagal ang implementasyon ng mga dagdag benepisyo.
Dagdag pa ng mambabatas ang kaniyang ipinaglalaban ang gamot at pagpapagamot na dapat libre na at sagot na ng gobyerno. Hangad ni Lee ang zero billing at hindi zero subsidy.
“Ang layunin ko: Gamot Mo, Sagot Ko!” dagdag ng mambabatas.
Matatandaan na tumutol si Lee sa pagbibigay ng zero subsidy sa PhilHealth, at pinuna ang DOH at PhilHealth na kung patuloy na magiging makupad sa mga dagdag na benepisyo ay posibleng maulit pa ito sa susunod na mga taon.