-- Advertisements --

Naniniwala ang isang mambabatas na mahalaga na mabigyan ang mga municipal port ng mga cold storage area at iba pang modernong post-harvest facility ng sa gayon mapanatili ang produksyon ng ‘tamban’ at iba pang produktong pangisdaan para sa pandaigdigang pamilihan at pataasin ang kita para sa maliliit na mangingisda.

Ayon kay House Committee on Aquaculture and Fisheries Resources, Chairman Representative Brian Raymund Yamsuan na dapat paghandaan ng gobyerno ang mga export opportunities na makukuha para sa ‘tamban’ matapos kilalanin ng international food standards body ang isda ng Pilipinas bilang bahagi ng “Codex” nito para sa mga de-latang sardinas at sardinas-type na produkto.

Sinabi ni Yamsuan, ang mga post harvest facility, na lubhang kulang sa sektor ng pangisdaan, ay kinakailangan upang maghanda para sa pag-export, kasama ang pagtulong sa maliliit na mangingisda na itaas ang kanilang kita, at lumikha ng mas maraming trabaho sa industriya ng sardinas.

Pinasalamatan ni Yamsuan ang Department of Agriculture, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at National Fisheries Research and Development Institute (NFRDI), sa pag lobby na isama ang tamban sa Codex.

Binigyang-diin ni Yamsuan ang kahalagahan ng pagtiyak na magkaroon ng sapat na suplay ng tamban at iba pang mga fishery products.

Ginawa ni Yamsuan ang pahayag matapos tanungin ng media ang kanyang reaksyon sa mga ulat na nagpasya kamakailan ang Codex Alimentarius Commission (CAC) na opisyal na isama ang ‘tamban’ sa Codex Standard for Canned Sardines and Sardine-Type Products.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang pag-unlad na ito ay magbubukas ng mga oportunidad sa pag-export para sa ‘tamban’ sa European market, magpapasigla ng mga bagong pamumuhunan at lumikha ng mga bagong trabaho sa sektor ng pangisdaan.

Sinabi ni Yamsuan na inaasahan niyang ang mga bagong pamumuhunan na ito ay magsasama ng mga modernong pasilidad para sa pagpapatuyo, canning at pagbote ng ‘tamban’ bilang produkto ng sardinas, bukod pa sa pagbibigay sa mga mangingisda ng mga cold storage facility at mga planta ng yelo, lalo na sa mga komunidad ng pangingisda ng sardinas sa bansa.

Ang tamban at iba pang mga sardine products ay kalimitang matatagpuan sa municipal waters ng Zamboanga Peninsula, Bicol at Northern Mindanao.